• The Town
    • Barangays
  • Local Government
    • Sangguniang Bayan
    • Sanggunian Committees
    • Barangay Leaders
    • Departments
  • Halina sa Naujan
    • Go Naujan
    • See The Sights
    • Stay With Us
    • Come and Join Us
  • The Blog
  • Galleries
  • Pera ng Naujan
  • Campaigns
    • Halalan Naujan 2016: Bayan o Sarili?
    • Online Petition
    • Batang Naujan
    • Bangon Naujan
  • Downloads
    • Resolutions and Meetings
    • Laws That Affect Us
    • Other Reports
    • Montelago Geothermal
    • Lower Catuiran Hydro
    • Intex Nickel Mining Documents
  • About This Site
    • Credits
    • The Foundation
  • Links
  • Contact

Dec
12
2011
 7

Bahag Hari


Dec. 10 Flood 4

Isang akda ni Gee Padua Lin

 

Tampulan ng tukso ang lugar na aking kinagisnan, ang tahimik at luntiang sitio ng Malalim na Sapa. Tumuntong ako sa edad na trenta y uno, ngunit di ko man lang nakita ang sapang malalim na naging alamat ng kanyang pangalan.

 

Sa dapit-hapon, pawang unga ng kalabaw at baka, huni ng ibon, tunog ng lawiswis kawayan, talak at sermon ng mga ina-ina at ugong ng lamok ang tanging maririnig. Nguni’t sinong nakakabatid na ang mga may ari ng talampakang lipak-lipak na tumatahak sa bauk-baok at at nagpuputik na daang dala ng ulang tikatik sa panahon ng tag-ulan ay nakatuntong sa ibat-ibang bansa at mga naglalakbay, nagliliwaliw at naglilimas ng salapi sa ibat -ibang parte ng globo?

 

Muli nagbalik sa aking balintataw ang musmos na ala-alang puno ng hirap at makulay na kahapon ng aking buhay. Hirap ko bang maituturing ang aking nakalipas sa lugar na ito? Hindi ko naranasang tumuntong sa palayan at tumulong sa gawaing bukirin. Oo, iisa lang ang aking isinuko sa lugar na ito, ang maglakad balikan pa escuelahan. Tanging tilaok ng manok at malaking orasan ang tanging aming taga-pagbadya na sisikat na ang haring araw. Oras para pumulas para maligo, magdupong ng apoy at magpa-anyo para sa agahan at magbalot ng baong kanin para sa tanghalian.

 

Nakakatawang nakakaiyamot. Lalo na kapag nagbibiro ang tadhana, ang makaligtaang luma na pala ang baterya ng lumang orasan. Naranasan ko at ng aking kapatid na maligo sa poso ng pasado alas dose at punan ang nakasanayang responsibilidad tuwing madaling araw. Naihanda na ang lahat , at kami’y tutungo na nguni’t kami’y napatingala sa kawalan, “baket mataas pa ang buwan?”

 

Namukatkatan ng aming lola sa tuhod ang aming usapan at dali-daling binuksan ang radyo ” DZRH eto po si Tia Dely Magpayo, ang oras, alas dose y media”. Anak ng pateng!!! Sabay ihip sa de gas na ilawan, derecho balandra sa katre ng walang hubaran ng panyapak at naghlilik ng ang bag ang kayakap!

 

Kinabukasan, “Tiklilaooook!!” sigaw ng manok, naku… ala sais y media na pala, mahuhuli kami kung hindi magdadali-dali. Kaskas kaming dalawa sa paghakbang, punong-puno ng hinanakit ang aking kalooban, waring tinatanong ang sarili… “hanggan kailan ko tatahakin ang daang ito? kung ipagduduksong daang aking tinahak.. wari’y nalampasan ko pa ang taas ng hagdan tungo sa langit…” “Hanggang kailang ko bibitbitin ang ang bag na punong-puno ng mabigat na libro? “, mga tanong na puno ng paghihinagpis.

 

Tiim-bagang kong tinanggap ang katotohanang ako’y taga sitio Malalim na Sapa. May munti akong mithiin sa buhay. Hindi maging isang guro, hindi maging doktor ngunit pangarap kong tumira sa bayan, doon hindi ko na kailangang maglakad araw-araw at hindi ko na kailangang pumulas ng maaga. Masarap yatang magpain-in sa higaan.

 

Ganunpaman, wala akong magagawa pagkat kami’y pawang isang dukha. Lumaki kami ng malayo sa magulang at tanging lola at lolo ang gumabay. Iminulat kami at inaruga sa mahigpit na pamamaraan. Bawal ang lahat, bawal maki-pag-usap sa ibang tao bawal magsuot ng maikli. Wag na wag kang pahuhuli at uyo ang katapat. Palibhasa nga ay bata, taglay ang pananabik sa munting kalayaan, tumatakas kami pa-ilog, mag-aas-is kuno ng kaldero at kawali.

 

Ang pawang katotohanan, sabik na sabik kaming magtampisaw sa malinis na batis. Tila langit ang mga oras lalo na ang panunuso at pangunguha ng tabugok sa malawak na paraiso ng niyugan.

 

Masayang malungkot pagkat kailangan kong lisanin ang lugar na ito at iwasan ang mundo ng kababalaghan. Nakikinita ko ang mga hahindik-hindik na mga yugto ng aking bawat gabi sa bahay naming iyon kaya inilipat ako sa Curva upang ilayo sa misteryo ng ibang daigdig. Doon ako nagtapos ng elementarya at nag-aral sa Naujan Academy hanggang sa ikalawang baitang ng hayskul.

 

Muli, nilisan ko lugar na ito at kami’y nanirahan sa Tanauan, Batangas. Dito ko natikman konting luho sa buhay. Ganun pa man, di ko maikukubli na ang ang dugong nananalaytay sa aking pagkatao ay isang…. MANANG! Nag-aral ako sa Daluhasaan ng Laguna Institute. Dito ko natutuhang pagmasdan ang kinang ng siudad, natutong pumorma at makihalu-bilo ilang grupo ng mabubuting kaibigan.

 

Halos abot-kamay ko ang opurtunidad ng aking tagumpay ngunit sa kasawiang palad… ako’y isang duwag. Ninais kong tanggapin na harapin ang pag-aasawa at talikuran ang lahat. Mababaw na dahilan, ngunit kagaya ng lahat may pansarili tayong mga dahilan. Masalimuot kung sa ganang akin ang pasikot-sikot ng kwento ng aking buhay.

 

Mas nanaisin kong isugal ang aking buhay at kinabukasan para kalimutan ang mapait na ala-ala ng aking kahapon. Sa loob ng maraming taon, isa lang ang taong aking pinangarap at pinag-ukulan ng pansin. Kapalaran, ‘ika nga. Nguni’t aanhin ko ang bukas kung ang taong aking pinapangarap ay ugaling bata at hindi ako ituturing na esposa kundi isang ina?(naks) Pikit-mata kong haharapin ang hamon ng bagong bukas, bukas na malayo sa lugar na nagdulot ng lungkot sa aking tahimik at pihikang puso.

 

Maligayang-maligaya ako sa pagpapamilya, spoiled brat ako sa aking asawa at sa aking mga byenan kasi masarap at masaya daw akong kasama. Ang masaklap, ilang taon lamang iyon, pagkat sumakabilang-buhay ang mahal kong byenang babae. Wari’y gunaw ng aking mundo ang lahat. Hindi ko yata kayang mag-isa sa pag-aaruga sa aking mga supling. Hindi ko yata kayang maging isang tunay na ina. Hindi ko rin yata kayang mawalan ng isang mabuting kaibigan. Kulang ang sandali na nakapiling ko sya.

 

Napakaramot ng tadhana. Sana dinutungan pa sya ng mahabang buhay at nayakap nya ang dalawa pa nyang mga apo. Habang sinusulat ko ang bahaging ito, di ko maiwasang umagos ang butil ng mga luha sa aking pisngi pagkat nanunumbalik ang dating pagdadalamhati. Kayhirap mag-isang harapin ang biro ng tadhana, lalo na at hindi mo sariling bayan, at hindi sariling wika ang gamit.

 

Nagdurugo ang aking puso ngunit kailngan kong imulat ang aking mata sa katotohan, at kailangang-kailngang kong pag-ibayuhin ang lakas ng loob upang harapin at tahakin ang naghihintay na bukas alang-alang sa aking mga anak. Kayhapdi. Pero kung sa pelikula, laging may kontrabida, pero siempre laging panalo ang bida at nagtatapos ang palabas sa magandang wakas.

 

Sa ngayon, tapos na ang lahat, minsan ko nang tinunton ang landas tungo sa lugar na aking kinalakihan, nguni’t aking naramdaman… isa na akong dayuhan. Tila kikitil sa aking buhay kung aking iisiping ako’y babalik at maninirahan sa aming dating tahanan. Nakakalungkot pagmasdan pagka’t siya’y bahagi ng aking kamusmusan. Mananatili sya sa aking puso, ibabahagi ko ang kwento ng hirap sa aking mga anak at magiging mga apo. ‘Pagkat isa syang instrumento na nagtutulak sa mga paang humahakbang upang maka-ahon sa hirap.

 

Muli, taos-puso kong ipinararating at ibinabahagi ang kahirapan at payak na buhay tungkol sa aking bayang tinubuan, isang tulay at tila bahag-hari na humubog at nag-unay sa aking paslit na kahapon at makulay na pangkasalukuyan. Nawa’y magsilbing aral sa ating mga kabataan ang lohika ng aking kapiranggot na kasaysayan at wag hayaang maligaw ng landas.

 

Pagkat sa bawat hakbang… hindi malayong marating ang tinatanaw na bahag-hari.

 

7 Comments for Bahag Hari


jaymark
December 12, 2011, 1:31 am

ANG MALALIM NA SAPA NGAYON

bawat isa sa atin ay may sari sariling kwento..malungkot at masaya..ngunit kht san man tau patungo sa landas ng buhay ay wag n wag nating kakalimutan ang lugar n ating pinagmulan..maging ito man ay itinuring nating bangungungot o paraiso ng ating khapon..

ang malalim na sapa ngaun ay ibang iba n sa iniisip at kinalakihan ng iba..mas sibilisado na ang lugar na yun at saksi ang mga palayan at ilog kung paanong unti unting inaabot ng mga tga doon ang kaginhawahan ng buhay..mahirap pero tyga tyga lang ang kailangan..

ang malalim na sapa ngaun ay nakakasilay na ng daloy ng kuryente na kung dati rati ay gasera at mga pangkad ang tanging pinagkukuhanan ng liwanag sa gabi..nang magkaroon ng kuryente,dagliang nagbilihan ng kung anu anung appliances ang binili ng mga tga dun..kung noon radyo,ngaun telibisyon nah..kung noon gasera ngaun fluorescent lamp nah..kung noon plantsang de uling na kdalasang nkksunod ng mga uniporme ngaun plantsang de kuryente na(standard pa ang tatak)..

ang malalim na sapa ngaun ay nbibigyan n ng focus ng sinumang mga opisyales ng brangay..kung noon tila napakalyong abutin ng mga opisyales pra s mga tga dun pro ngaun ay bnbgyan n sila ng higit na atensyon at pag asenso ng mga opisyales..

ang malalim na sapa ngaun ay baku baku pa rin ang daan ngunit patuloy na sinisikap ng barangay officials na maranasan din ng mga doon ang sementadong daan..

lahat ng pagbabago ay nangangailangan ng paghihintay at hindi dagliang nangyayari na lamang..
sama sama tayo sa pinapangarap na asenso hindi lamang sa sitio malalim na sapa kundi pati n ng buong SANTIAGO..


Reply

dj slayer
December 16, 2011, 12:52 pm

well verse… MMK classic.


Reply

    Sylvette G. Sabaupan
    June 28, 2012, 9:02 am

    napakaganda ng iyong kwento, totoo ka ngang galing ng Naujan, Naaliw ako sa mga Tagalog na salitang taga Naujan lamang ang mga magkakaintindihan. Magaling kang manunulat, kaya mong dalhin ang mambabasa sa iba’t ibang klase ng emosyon. Bagama’t simple ang istilo mo sa pagsulat napahanga mo ako.

    Sino nga ba ang magkakaintindihan kundi ang kapwa Naujeño din. Actually, naiyak ako at natawa combined…


    Reply

    Gee Padua Lin
    March 22, 2017, 1:54 pm

    Salamat kabayan!


    Reply

    Gee Padua Lin
    March 22, 2017, 1:57 pm

    Salamat!


    Reply

paul salcedo
March 22, 2013, 3:34 am

kadalasan marami sa atin na nag mula sa sabana at tahimik na lugar ay may kanya kanyang kwento ng karanasan. sa makasaysayang buhay na iyong tinahak tunay ka ngang dakila at mapagpakumbaba. hindi naging alintana ang mapait na kahapon na takbo ng buhay at karanasan kundi ang lahat na iyon ay pinaglabanan. sa bawat hamon ng panahon di mo sinukuan, taglay mo pa rin ang kadakilaan. wala akong masabi sa mga kwento at makatutuhanang salaysay sapagkat tunay ka ngang magaling at kapupulutan ng aral, ipagpatuloy mo yan, darating ang haring araw tagumpay mo’y nagaabang.


Reply

Gee Padua Lin
March 22, 2017, 1:56 pm

Mabuhay! Pagpalain tayong lahat ng Poong Maykapal!


Reply



Leave A Reply





  Cancel Reply

  • Welcome Kabayan!

    Feel free to browse around for photos, stories and information all about Naujan.

  • Kanlungan sa Naujan

  • Categories

  • Recent Posts

    • Task Force Iwas Baha Final Report
    • Naujan Folks Kick Off Campaign With Environmental Concert and Prayer Rally
    • Mayor Marcos’ Comment and Actions on Energy Projects Issues
    • Bangon Naujan Fund Drive Report
    • The Birth of Batang Naujan
  • Recent Comments

    • Vener EStorque Albufera on Naujan Academy
    • Fr Matthew Gibson on San Nicolas de Tolentino, Patron Saint of Naujan
    • rhealyngerpacio on The 70 Barangays of Naujan
    • Arvin Parin on Inarawan National High School (INHS)
    • Aiko Passion Mendoza on Municipal Government Offices


  • Like Us on FB

  • DISCLAIMER

    Naujan.com, unless otherwise noted, do not own the pictures posted in this site. Credits are due to our fellow Naujeños who continue to share their stories, information, and photos to our kababayans everywhere.

  • Background photos by Marlon T. Abuan, Raymund Valenton, JL Reyes, Mon Robles, Norman Belino, Jay Feudo Hernandez and Dr. RM Del Mundo.






Naujan.com is brought to you by the Naujenos Foundation and Powered by BuraotDotCom